mgatyod

Talumpati ng Pagtatapos

In Uncategorized on February 20, 2011 at 2:26 am

“Maligayang pagtatapos!”

 

Marahil, higit sa limampung libong beses na ito naibulalas ng mga balediktoryan sa buong kasaysayan ng pagdaraos ng mga “commencement o graduation exercises” sa buong kapuluan ng Pilipinas. Narinig ko na ito at narinig na rin ninyo ang dalawang payak na salita na ito nang magtapos tayo sa mababang paaralan. Ngayon nga’y kasasambit ko pa lamang nito. Sa loob siguro ng apat, lima, pito, o walong taon ay muli  na naman nating mauulinigan ito. Kumbaga, tila gamit na gamit na…pero ewan ko nga ba’t patuloy pa rin ang paggamit natin ng nasabing pagbati.

 

Bakit nga ba?

 

Siguro, at siguro lang naman, ay dahil sa kasimplehan nito. Napakapayak nitong pagbati ngunit makabuluhan at marami itong maaaring ipabatid. Kahit siguro’y hindi mo na isama ang sinseridad bilang batayan ng pagka-epektibo ng nasabing parirala ay sasapat na ang sakop nitong pagpapakahulugan. Isipin mo, ano nga ba ang sinasabi ng, “Maligayang pagtatapos!” sa konteksto ng isang “senior”? Marahil ay, “Maligayang pagtatapos sa iyong kalbaryo’t paghihirap sa mataas na paaralan .” o “Maligayang pagtatapos at marami ka nang natutunan: mula sa nakawiwindang na buhay-akademiko, hanggang sa nakapagpapagaan na buhay-espiritwal, hanggang sa kung anu-ano pa tulad na lamang ng sa nakasasawing  realidad ng buhay-pag-ibig.” o “Maligayang pagtatapos sa isa na namang simbolikong yugto ng buhay mo kung saan naging ‘semi-anti-social’ ka mula sa pagiging puristang ‘anti-social’, o naging ‘team player’ dahil sa bugso ng pangangailangan, o baka nama’y naging isang ‘student leader’ na likas na masakripisyo.” at iba pa, at iba pa.

 

Hindi ba’t mas kumbinyente ang pamamaraang ito? Sa loob lamang ng dadalawang salita, o wawalong pantig, ay nailapat mo na ang lahat ng posible mong sabihin. Wala nang “cheesy approach” o kung ano pa mang “pa-senti effect”. Alam ko na naman kasing alam mo na iyong tinutukoy ko, lalo na ngayon sa panahon ng post-modernismo. Alam mo na ang iyong mga pagpapahalaga.

 

At dahil patuloy ngang pumapatak ang oras, at ‘di rin naman tayo bumabata, kailangan natin paghandaan ang buhay na itinatampok sa atin ng hinaharap: ang pagkokolehiyo. Nararapat nating tandaan na lagi nating maaaring gawing sandigan ang ating mga karanasan mula pa noong ating pagkabata upang pagbutihin ang ikatatakbo ng ating hinaharap.

 

Ang payo ko lamang ay ating sundan ang ating mga puso’t siyempre ay gamitan rin ng tamang pag-iisip. “Mag-major” tayo sa “philosophy”, “fisheries”, “European studies”, o kaya’y “management of applied chemistry” kung iyon talaga ang ninanais natin…at kahit lubusan mang napakahirap gumawa ng “career” mula sa mga nabanggit. Basta’t kailanga’y mahalin natin ang ating pag-aaralan, at ikabubuhay, sa paglaon. Sige lang nang sige. Sa huli, tayo rin naman kasi talaga ang gagawa ng ‘di nagmamaliw na tatak sa ating mga buhay, at hindi sina Mrs. Moral Character o kahit pa si Mr. Know It All. Tayo mismo. Oo, tayo mismo.

 

Muli, “Maligayang pagtatapos sa ating lahat!”. “Maligayang pagtatapos!” mula sa akin, ng buong isip at puso. Tayo’y magpaalam na sa mga kaganapan ng kahapon, at malugod na salubungin ang dinadala ng hinaharap. Arya.

 

-Kim Endaya

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: